Mahiwagang Mundo Ng Sebastian


KABANATA 1

“Okay class, see you on Monday. Have a great weekend,” paalam ng professor namin na si Mrs. Divina. Siya ang pinaka-matandang guro dito sa school na pinapasukan ko at siya rin ang pinaka-paborito ko dahil hindi siya nakakaantok magturo at palagi niyang naisisingit sa gitna ng pagkaklase niya ang mga kwentong kababalaghan sa naranasan niya noon sa kanilang probinsya noong bata pa siya. Hindi ko alam kung totoo bang nangyari ang mga iyon o kathang-isip lamang niya upang libangin kami. Kung ano man ang katotohanan sa mga kwento niya ay hindi na mahalaga dahil naaaliw naman akong makinig sa kanya. 

Masayang parte ng pag-aaral ang pakikinig sa turo ng mga guro ngunit kalbaryo naman ang dulot sa ‘kin sa tuwing natatapos ito. Kung hindi tuwing recess ay pagkatapos ng klase’y palagi akong nakakaranas ng pambu-bully ng mga kaklase ko, lalo na mula sa grupo nina Austin. Alam kong pag-iinitan na naman nila ako ngayon dahil natapakan ko kanina ‘yung bagong sapatos ni Austin.

Hindi pa nakakalabas ng silid namin si Mrs. Divina ay nagmamadali ko nang kinuha ang kulay itim at luma kong backpack na may mga tagpi na ng maliliit na piraso ng tela na pinagtyagaan kong sulsihan kahit hindi naman ako marunong manahi. Mabilis kong ipinasok ang lahat ng gamit ko sa loob nito.
Sa pagmamadali, nahulog ko ang ballpen ko sa sahig kaya dali-dali akong yumuko upang pulutin ito. 

Pagdampot ko sa ballpen ay siya namang pag-apak ni Austin sa kamay ko. Alam kong siya ang umapak sa ‘kin dahil nasa puting sapatos pa niya ang marka ng pagkakaapak ko kanina at siya lang naman ang tanging kaklase ko na nagsusuot ng sneakers papasok ng school kahit na ipinagbabawal. Pero dahil mayaman ang pamilya niya at malaki ang donasyon na binibigay sa eskwelahan ay hindi siya sinisita ng mga guro at hinahayaan na lamang siya sa kahit ano pang gusto niyang suotin o gawin.

Hindi ako kumibo kahit nasasaktan ako, dahil kapag ginawa ko ‘yon ay alam kong mas lalo pang ipagdidiinan ni Austin ang swelas ng sapatos niya sa kamay ko. Gustong-gusto niya kasi na nagmamakaawa ako sa kanya na para bang nakasalalay sa kanya ang buhay ko.

Pinilit kong hilahin ang kamay ko mula sa pagkakaapak niya at saka ako tumayo.
“Mukhang tumitibay ka ah.” Binalya niya ang dibdib ko gamit ang palad niya.
Napaurong ako at tumama ang likod ko sa isa ko pang kaklase na sa tingin ko’y si Koko dahil ramdam ko ang malapad at malaki niyang tiyan at dibdib na hindi muscle kundi bilbil.
Amoy ko rin ang mayonnaise sa sandwich na kinain niya kanina. May pagkasalaula pa naman siyang kumain. Ang hilig niyang ipunas ang bibig niya sa towell ng polo niya kaya palagi itong may mantsa. 
Kung hindi siguro siya anak ng Dean ay baka hindi siya kakaibiganin nina Austin dahil siya ang pinakalampa dito sa klase namin.
Ang grupo pa naman nina Austin ay puro varsity players nitong school. Matatangkad at malalaki ang mga katawan nila na alam mong palaging laman ng gym. Matangkad at medyo matipuno rin naman ang pangangatawan ko, pero kapag pinagtulungan na nila ako, wala akong laban.
Anim sila; mag-isa lang ako. 
“Aalis na ‘ko. May trabaho pa ako.”
“Aalis ka lang kapag pumayag na ‘ko ‘tsaka may trabaho ka rin naman dito.”

“Austin, tigilan n’yo na nga si Baste,” sita ni Yumi sa kanila. Naramdaman ko ang pag-init ng mukha ko, hindi lang dahil sa may lihim akong pagtingin kay Yumi kundi dahil na rin sa hiya. Kalalaki kong tao, pinagtatanggol ako ng isang babae. 

Napasulyap ako kay Yumi at kahit magkasalubong ang mga kilay niya habang nakatingin kay Austin, maganda pa rin siya. Kulay brown ang kanyang buhok na mahaba na palaging nakalugay. May kaunti siyang bangs na bahagyang tumatakip sa mga mata niya na kulay brown din. Ang mga pisngi at labi niya’y natural na mamula-mula. Hindi siya nagme-make-up at tanging pulbos lang ang nilalagay niya sa mukha niya. Nakadagdag din sa ganda niya ang mga perlas niyang hikaw na naikwento niya sa ‘kin noon na regalo raw ng nanay niya na namayapa na. 

Nilingon ni Austin si Yumi. “Pumapatol din ako sa babae lalo na sa mga pakialamera. Pero hindi hirap ang ipapalasap ko sa ‘yo kundi sarap,” nakangising sabi ni Austin. Akma niyang hahaplusin sa pisngi si Yumi kaya mabilis kong hinila ang braso niya.

Tiningnan ako nang matalim ni Austin. Sinulyapan at nginitian ko naman si Yumi bago ko maramdaman ang kamao ni Austin sa sikmura ko. Sa katawan nila ako palaging tinitira at hindi sa mukha para walang kita na ebidensya ng pananakit nila sa ‘kin. 

Nagsigawan ang ilang mga babae kong kaklase. “Tara na Yumi. Wala na tayong magagawa. Magsumbong na lang tayo sa teacher.” Narinig kong sabi ni Ana Marie na matalik na kaibigan ni Yumi. Mapait akong napangiti.
Ginawa ko na ‘yon noon. Nagsumbong ako sa teacher pero wala naman silang ginawang aksyon kaya hindi na ako magtataka kung walang darating na teacher dito upang pigilan ang pananakit ni Austin sa akin. 

Nang makalabas na lahat ng mga kaklase namin, isinarado ng mga kaibigan ni Austin ang dalawang pintuan. Ganito ang ginagawa nila para hindi marinig sa mga katabing classroom ang ginagawa nilang pambubugbog sa ‘kin.

Nakahiga na ako sa sahig at hindi ko alam kung ilang dulo ng sapatos na ba ang tumama sa akin. Panigurado mukha na namang basahan ang puting polo ko. Namimilipit na ako sa sakit ngunit panay pa rin ang sipa at tadyak nila sa ‘kin. 

Sabi ko sa sarili ko, tatanggapin ko lahat huwag lang akong mabalian ng buto. Ayokong maospital dahil malaking gastos kapag nagkataon. Wala naman akong ipon dahil sapat lang ang kinikita ko sa karinderya na pinapasukan ko bilang dishwasher at waiter doon mula ala-singko ng hapon hanggang alas-dose ng madaling araw.
Scholar ako kaya wala akong malaking binabayaran sa school, pero kailangan ko pa rin ng pera para pambayad ng upa at pambili ng mga pangangailangan ko sa pang-araw-araw.
Wala akong mga magulang. Hindi ko alam kung buhay pa sila dahil hindi ko naman sila nakilala. Sabi ni Sister Judith na madre sa bahay-ampunan na kinalakihan ko, isang maulan na gabi raw nang marinig nila ang iyak ko sa tarangkahan ng bahay-ampunan. Akala nga raw nila’y mamamatay ako dahil inapoy ako ng lagnat kinabukasan dahil sa pagkakababad ko sa tubig ulan.

Pangalawang buhay ko na nga raw ito kaya kailangan kong pagkaingatan. Pero paano ko gagawin ‘yon kung may mga tao na katulad nina Austin na natutuwa kapag may nahihirapan at nasasaktan silang kapwa?

Mula edad anim na taon ilang bahay na ang tinuluyan ko at ilang pamilya na ang pinakisamahan ko. Umasa ako na isa sa kanila aampunin ako, ngunit hindi iyon nangyari. Nang maka-graduate ako ng high school sinabi ko kina Sister Judith na ayoko nang makitira sa ibang pamilya at tatayo na lamang ako sa sarili kong mga paa. Umalis ako sa poder nila at pinagsabay ko ang pagtratrabaho at pag-aaral.

Sa tulong na rin ni Sister Judith nabigyan ako ng scholarship kaya libre akong nakakapag-aral at may kaunting allowance pa akong natatanggap dahil tatlong beses sa isang linggo ay nagdu-duty ako bilang student assistant.

“Tayo!” sigaw ni Austin.

Kahit hirap na hirap ako, pinilit kong tumayo. Napahawak pa ako sa sikmura ko na sigurado akong puro pasa na. Hinawakan ako sa kuwelyo ni Austin at hinila. Sumunod na lang ako kahit hindi ko alam kung saan nila ako dadalhin.

KABANATA 2

Napatigil sa paglalakad si Austin kaya gano’n din ako. “Kaninong sapatos ‘to?” natatawang tanong niya. Napatingin ako sa parteng itinuro niya. May marka pala ng buong swelas ng sapatos sa laylayan ng suot kong polo.  Sa dami ng paa na sumipa sa ‘kin, hindi ko na alam kung kanino ito.

“Kay Koko ‘yan. Ang lapad eh,” sagot ni Lucio sabay tawa. Sa laki ng bunganga niya, nakita ko na ‘yung ngala-ngala at ‘yung tonsil niya na ang sarap hilahin para ibuhol sa dila niya nang matigil siya sa pagtawa. 

“Hoy! Matagal pa ba ‘yan?” tanong ni Dave na nakahawak na sa doorknob ng pinto. Sa kanilang anim siya lang ata ang hindi nanakit sa ‘kin sa araw na ‘to. “Magkikita kami ni Shantal ngayon.” Kaya naman pala, may lakad siya.
Karelasyon niya ‘yung sexy at maganda naming P.E. teacher na si Mrs. Guerrero. Sa kanilang magkakaibigan si Dave ang pinaka-gwapo at babaero. Walang siyang pinipiling edad. Basta maganda, sexy at nakapalda, kapag natipuhan niya, gagawin niya ang lahat para makuha, kahit may asawa pa. 

“Titikim ka na naman ng bawal. Ano bang nakita mo sa gurang na ‘yon?”
“Gago ka Jaz. Walong taon lang ang tanda niya sa ‘kin. Mas mukha pa nga siyang bata kesa do’n sa ex-girlfriend mong pa-virgin at palaging may dalang rosaryo pero laspag na pala at mahilig makipag-threesome.” 

“Huwag mo na ngang ipaalala sa ‘kin ‘yon. Nag-iinit ‘yung ulo ko sa tuwing naalala ko ‘yung video scandal ng babaeng ‘yon!” Naalala ko, pinagpyestahan ‘yung video na ‘yon dito sa school. Dahil din sa scandal na ‘yon, kaya lumipad papuntang Amerika ‘yung ex-girlfriend ni Jaz na tinutukoy ni Dave. 

“Ohh… Ahh… Harder! Faster! I’m coming! I’m coming!“ Nakangisi si Lemuel habang hawak ang cellphone na may nagpe-play na video.
“Tangina mo, nasa cellphone mo pa rin ‘yan?!” Akmang hahablutin ni Jaz ang cellphone ni Lemuel pero mabilis nitong itinago sa likuran upang hindi makuha. 

“Lem, papasa. Na-delete ko ‘yung sa ‘kin,” sabi naman ni Lucio na nilalabas na ang cellphone sa bulsa. Mga gago talaga.

“Magsitigil na nga kayo!” saway ni Austin sa mga kaibigan bago ako balingan uli. “Hoy, ikaw. Hubarin mo ‘yang polo mo. Baka may makakita at isipin na may ginawa kaming masama sa ‘yo,” nakangisi niyang sabi. Lakas makagago.

“Tama na Austin. Bukas na lang uli. Papasukin n’yo na muna ‘ko sa trabaho. Hindi na ‘ko pwedeng ma-late.”

“Ha? Ano ‘yon?” Nilagay pa niya sa tenga niya ang isang kamay. “Wala akong narinig.” Tumingin siya sa mga kaibigan niya. “Kayo mga ‘tol? May narinig kayo?”

“Wala,” sabay-sabay nilang sagot na ang ilan sa kanila ay pailing-iling pa habang nakangisi sa ’kin.

“Parang-awa n’yo na.”
“Koko, ikaw magtanggal ng polo niyan. Ikaw ang tumadyak na nagmarka eh,” utos ni Austin. Mabilis na hinablot ni Koko ang polo ko mula sa kuwelyo sa likod pababa hanggang sa gitna ng likuran. Sa lakas ng pagkakahila niya parang mapupunit ang braso ko sa pagkakadugtong sa balikat ko.

“Ako na. Parang pati braso ko matatanggal mo.” 
“Sumasagot ka pa!” Isang malakas na batok sa likuran ng ulo ko ang ibinigay ni Koko sa ‘kin. Sa laki at bigat ng palad niya, nahilo ako kaya napailing ako at napapikit-pikit ng mga mata.

“Bilis. Ang tagal. Kanina pa nagte-text sa ‘kin si Shantal.” Reklamo ni Dave na naglakad na palapit sa ‘kin. Kahit nahihilo pa, hinubad ko ‘yung polo ko at nang aalisin ko na sa huling braso ko’y bigla na lang itong hinila ni Dave kaya natangay ako at napasubsob muli sa sahig.
Narinig ko pa ang pagkapunit ng polo ko. Mukhang may susulsihan na naman ako. “Kahit kailan ang lampa mo talaga. Tumayo ka nga d’yan.” Hinila niya ang suot kong t-shirt at halos masakal ako sa neckline na dumidiin sa leeg ko kaya kusa na akong napatayo.
Maubo-ubo akong tumayo habang hawak ang leeg ko. Konti na lang mapapatay na ‘ko ng mga ‘to.

Inakbayan ako ni Austin at sinabay niya ako sa paglalakad. “Paglabas natin, tahimik ka lang ha? Yumuko ka lang habang naglalakad. Huwag mong iaangat ang mga mata mo, huwag kang mag-iingay at mas lalong huwag kang hihingi ng tulong. Alam namin ‘kung saan ka nakatira. Isang posporo lang, sunog ang lumang paupahan ni Mang Gary. Ayaw mo naman sigurong may madamay na iba ‘no?” banta niya sa ‘kin. 

Isa pa ‘yan sa dahilan kung bakit tinitiis ko ang pananakit nila. Mas gusto kong ako na lang ang masaktan huwag lang may madamay na iba. Ang dami pa naman naming nakatira sa bahay ni Mang Gary na mahigit 30 years na atang nakatayo. Gawa ito sa kahoy at may ilang parte na inanay na pero nananatili pa ring matatag.
Dalawang palapag ito na may limang kwarto. ‘Yung apat na kwarto ang pinapaupahan nila. Apat na tenants sa bawat kwarto. Kung itutuloy nina Austin ang pagbabanta nila sa ‘kin, 17 na buhay ang madadamay, kasama na rito sina Mang Gary at ang asawang niyang si Manang Digna. Ang paupahang bahay lang ang pinagkakakitaan ng mag-asawa kaya hindi ako makakapayag na mawala ito sa kanila dahil lang sa mga katulad nina Austin na hindi alam ang halaga ng pera dahil mga pinanganak na mayayaman.

Tulad ng sabi niya yumuko lang ako at tahimik na naglakad kung saan man niya ako akayin. Dahil kabisado ko na itong school parang alam ko na kung saan nila ako balak dalhin at mukhang tama nga ang iniisip ko nang makita ko ang maputik na puting tiles na sahig at nanampal na amoy ng banyo. Sa fourth floor ito ng school at dahil hapon na wala nang masyadong estudyante sa lugar na ‘to.

Malaya silang gawin kahit na anong gustuhin nila. 
Malakas akong itinulak ni Austin papasok at dahil basa ang sahig nadulas ako at napadapa. Mabuti na lang at naiangat ko ang mukha ko, kung hindi, nakipaghalikan na ‘ko sa maduming sahig. May ilang estudyante sa loob na mabilis na nagsilabas sa takot siguro na madamay.  
“Baste, pumalag ka naman kahit konti.
Nakakabagot ka naman.” Nakadapa pa ‘ko sa sahig at hindi ko kita ang nagsalita pero alam kong si Lucio ‘yon.

Narinig kong nag-ring ‘yung phone ni Dave. Alam kong cellphone niya ‘yon dahil kabisado ko na ‘yung ringtone niya na palagi kong naririnig sa tuwing tumatawag ‘yung mga girlfriends niya. Kahit nagkaklase nga kami maya’t-maya kung mag-ring ‘yon. “Babe? Oo, papunta na ‘ko. Miss na miss na kita. Wait for me. Okay?”
Dahan-dahan akong tumayo habang nandidiri sa sarili ko. Basa at madumi ‘yung buong harapan ko. “Austin, alis na ‘ko. Bawi ako sa inyo next time. Nagagalit na si Shantal sa ‘kin.”
“Si Shantal ang galit o ‘yang junior mo ang hindi na makapaghintay na magalit?” tanong ni Lemuel.

“Pareho.” Nagtawanan silang anim. “Sige na. Alis na ‘ko.” Lumabas si Dave at isinarado ang pintuan. Salamat kay Mrs. Guerrero at nabawasan sila ng isa. Pero kahit lima na lang sila, hindi ko pa rin sila kaya. Siguradong bugbog-sarado pa rin ako.

 KABANATA 3

Parang gusto nang sumuko ng katawan ko. Salitan sila sa pagsipa at suntok sa akin. Parang bang lahat ng galit nila sa mundo sa akin nila ibinunton o baka naman sadyang bagot lang sila at ibang klase lang talaga maglibang ang mayayamang tulad nila? Sa dami ng pera nila, bakit hindi sila mag-isip ng paglilibangan? Bakit ako pa ang palagi na lang nilang gustong pag-trip-an?

Dati puro sa katawan ang tama ko, pero ngayon pati mukha ko pinagdiskitahan na rin nila. Putok na ang labi ko at nalalasahan ko na ang dugo sa sugat sa loob ng bibig ko. Pikit na rin ang isang mata ko dahil sa pamamaga nito.
“T-tama n-na.”
“Hindi pa. Kulang pa.” Sinabunutan ni Austin ang puting buhok ko. Oo, kulay puti ang buhok ko at natural ang kulay nito. At hindi lang buhok ko ang kulay puti, pati kilay at pilikmata ko. Hindi ko alam kung kanino ko namana ito;
kung sa nanay ko ba o sa tatay ko.“Gasgasan natin ‘yang balat mo.
Masyado kang makinis. Para kang babae.” Maputi at makinis din ang balat ko. Nagkakasugat naman ako pero kahit kailan hindi ako nagka-peklat at ang mga sugat ko, mabilis kung maghilom.
“P-parang awa n’yo na,” pakiusap ko habang kinakaladkan ako ni Austin papasok sa isang cubicle. Parang hindi ko na maramdaman ang mga paa ko kahit hinahakbang ko ang mga ‘to.
May umaagos sa pisngi ko. Hindi ko malaman kung luha ba ‘to, pawis o dugo.
“A-anong gagawin mo?” tanong ko nang ipagtulakan ako pababa ni Austin sa harap ng toilet bowl. Ang mga kaibigan niya naririnig ko lang na nagtatawanan.

 “Baka nagugutom ka na. Inom ka muna ng soup,” sabi ni Koko. 
“Huwag! Tama na! Tigilan n’yo na ‘ko!”
“Austin, tama na raw. Pagbibigyan mo ba?” tanong ni Jaz.
“Tapusin n’yo na ‘yan.
Naiinip na rin ako,” sabi ni Lemuel pagkatapos ay may narinig akong ungol ng mga babae. Mukhang may pinapanood na naman siyang video.

“Tangina mo Lem. Ang libog mo,” reklamo ni Austin.
“Dalian n’yo na kasi d’yan.
Si Dave malamang sumisisid na ‘yon ngayon sa pagitan ng legs ni Mrs. Guerrero. Pagkatapos natin dito, tara sa bar. Sagot ko lahat.”
Pamilya nina Lemuel ang may-ari ng pinakamalaking bar dito sa ‘min na dinarayo ng halos lahat ng mga kabataang mayayaman na gustong magpakalasing at magpakasaya.
Pero ang isang tulad ko, kahit kailan hindi pa nakatapak doon. Nadadaanan ko lang pero hindi ko pa napapasok.

“Parang gusto ko ‘yung idea ni Lemuel,” sabi ni Lucio.
“Gutom na rin ako,” sabi naman ni Koko.
Sa bawat sinasabi nila, unti-unti akong nagkakaroon ng pag-asa na matatapos na ‘tong paghihirap ko.

“Ang KJ n’yo. Natutuwa pa ‘ko dito kay Baste.” Pucha! Kakaiba siya matuwa. Pahirap! “Hindi pa tayo aalis.” Dahil si Austin ang leader ng grupo nila, siya ang nasunod. Tuloy ang kalbaryo ko.

Hindi na tinuloy ni Austin ang plano niyang pagsubsob sa akin sa toilet bowl pero itinapon naman niya roon ang polo ko. Sira pa naman ‘yung flush ng bowl at halos kulay orange na ‘yung kulay ng tubig.
Mukha na ring mop ‘yung damit ko dahil halos pumunas na ‘yung buong katawan ko sa sahig habang namimilipit ako sa tuwing tinatadyakan nila ako. 

“Tama na!” Buong lakas na akong sumigaw. Pakiramdam ko mawawalan na ‘ko ng ulirat dahil sa sakit at pahirap na ginagawa nila sa ‘kin.
“Tama na!” Biglang namatay ‘yung ilaw pagkatapos kong sumigaw. Inabot na kami ng dilim doon kaya nang mamatay ‘yung ilaw, wala na akong makita. 

“Putangina! Ano ‘yon?!” sigaw ni Jaz nang bumukas at mamatay uli ‘yung ilaw.
“Nakita mo rin ba Jaz?” tanong ni Koko.

“Buhay pa ba si Baste?” tanong naman ni Lucio.
“Kulang pa ata donation ng pamilya mo Austin. Dagdagan n’yo para may pambayad ng kuryente ‘tong school,” sabi ni Lemuel na kita ko ang mukha dahil sa liwanag ng cellphone niya.

Bumukas sandali ngunit namatay rin uli ang ilaw. “Sh*t!” Pati si Austin, napamura  na rin at hindi ko alam kung bakit. Sa tuwing bumubukas kasi ang ilaw wala akong ibang nakikita kundi ang kisame at silang lima na nakatayo palibot sa akin.

“Austin, napatay ata natin si Baste! Nagmumulto na!” sigaw ni Jaz.
“Natatakot ako!” parang maiiyak na sabi ni Koko.

“Hoy Koko, bitawan mo nga ako. Ano bang mga sinasabi n’yo d’yan?” asar na sabi ni Lemuel habang abala pa rin sa cellphone niya.

“Akin na nga ‘yang cellphone mo.” Hinablot ni Austin ang cellphone ni Lemuel at itinapat niya sa mukha ko. Nasilaw ako sa liwanag kaya napapikit ako. “Buhay pa.”

“Eh ano ‘yung nakita natin? Kahawig ni Baste.” Hindi ko alam kung ano’ng pinagsasabi nitong si Lucio. Naka-drugs ba sila? Bakit sila makakakita ng kahawig ko?

“Guni-guni? Gutom lang? Baka gutom na rin kayo tulad ko.”

“Puro ka na lang gutom Koko.” Bumukas na uli ‘yung ilaw pagkatapos magsalita ni Lemuel at hindi na ito namatay pang muli.

“Tara na. Iwan na natin ‘yan.” Ano ‘tong nakikita ko sa mukha ni Austin? Takot? Kanina lang ayaw pa niyang umalis pero ngayon mukha siyang nagmamadali. Bakit? May nakita ba talaga sila na hindi ko nakita? At akalain mong may kinatatakutan din pala siya.

Sunod-sunod na silang lumabas at naiwan akong mag-isa sa banyo. Iginapang ko ‘yung sarili ko hanggang sa makatayo ako.
‘Yung polo ko kinuha ko sa bowl at binanlawan sa lababo kahit walang sabon. Pinigaan ko itong mabuti bago ko isinampay sa balikat ko.
Sa iba siguro, pababayaan na ito at itatapon pero hindi ko pwedeng gawin ‘yon.
Dadalawa lang ang polo ko na salitan kong sinusuot.

Napatingin ako sa salamin at awang-awa ako sa sarili ko. Ito na ata ang pinakamalalang ginawa nila sa akin.
Paglabas ko rito at kung may mga makasalubong ako, paniguradong pagtitinginan ako. Sigurado rin akong pandidirihan ako dahil kapit na kapit sa katawan ko ‘yung amoy ng banyo. Nahugasan ko ‘yung mukha, leeg at braso ko pero hindi ko matatanggal ‘yung amoy sa damit ko.

Dinampot ko sa sahig ang bag ko na buti na lang ay nahablot ko kanina bago kami umalis sa classroom. Ayoko nang bumalik doon.
Balak kong sa likuran ng school na lang dumaan. Wala namang nakabantay na guard doon kaya pwede kong akyatin ‘yung gate para makalabas ako.

Nakaalis at nakalayo ako ng school. Pinara ko ang unang jeep na nakita ko pero hindi ako pumasok sa loob upang maupo.
Nakakahiya sa mga pasahero at madudumihan ko pa ‘yung upuan kaya naupo na lang ako sa bungad ng jeep sa may apakan papasok.
“Hijo! Bakit hindi ka pumasok? Ang luwag naman. Wala ka bang pamasahe?
Libre ko na,” sabi ng driver ng jeep. May mga tao pa rin talaga na mabuti ang loob. Mga handang tumulong sa kapwa nila.

“Hindi na po. Dito na lang po ako. Ang dumi ko po kasi,” sagot ko at inabot ko ‘yung bayad ko sa pasaherong nakaupo malapit sa akin. 

Sa tuwing may sasakay bumababa ako at kitang-kita ko sa mga mata nila ang pandidiri kasabay ng pagtatakip ng ilong dahil natatangay siguro ng hangin papunta sa kanila ang amoy ko. May isa pa, na nag-abot ng sandwich sa akin.
Akala siguro’y pulubi ako na namamalimos sa jeep. “Wala pang bawas ‘yan,” sabi pa nito sa ‘kin na hindi ko na tinanggihan dahil gutom na rin ako. Umiiyak ako habang kumakain. 

Pagbaba ko sa tapat ng bahay nina Mang Gary, hindi ako doon dumeretso kundi sa karendirya sa tapat nito. Magpapakita muna ako sa boss ko bago maligo at magpalit ng damit. Bawat segundo mahalaga at bawat segundo na ma-late ako ay may bawas sa sweldo ko. Konti na nga lang siguro ang matitira sa sweldo ko para sa araw na ito.

Nakakaisang hakbang pa lang ako papasok ng karendirya ay sinalubong na agad ako ng amo ko. “Huwag ka nang mag-abala. Simula sa araw na ‘to, wala ka nang trabaho. Nakahanap na ako ng kapalit mo.”

“Sir, magpapaliwanag po ako. Hindi ko po sinasadyang ma-late.”

“Well, sinasadya kong tanggalin ka sa trabaho. Ilang beses mo na ‘tong ginawa at ilang beses na rin kitang pinagbigyan. Pasensya ka na Baste pero makakasira sa negosyo ko ang mga empleyadong tulad mo.
Mag-apply ka na lang sa iba. Marami ka pang pwedeng pasukan d’yan.”

“Sir, maawa na po kayo. Isang chance pa po. Kapag na-late pa po uli ako, ‘tsaka n’yo po ako sisantihin.”

“Bakit naman natin patatagalin pa kung pwede namang ngayon na? Sige na. Umalis ka na. Mukhang kailangan mo ‘yon dahil sa itsura mo ngayon. ‘Tsaka ang baho mo, kainan ‘to. Huwag kang magtangay ng langaw, pwede ba?”

“Sir…” Hahawakan ko sana siya sa braso pero mabilis siyang umiwas.

“Umalis ka na Baste. Hindi na magbabago ang isip ko,” sabi niya bago ako talikuran. 
Nanlulumo akong umalis. Bugbog sarado na nga ako, nawalan pa ng trabaho. Ano pa bang kamalasan ang hindi nangyayari sa ‘kin?

Tobe Continue.....

Mga Komento

Trend Stories